Saturday, October 8, 2011 | By: Klent

Karapatan ng mga Bus Driver at Konduktor

Minsan kong nausisa at naisip kung paano pinapasweldo ang mga driver at konduktor dito sa Pilipinas. Naiintindihan ko naman na ang iba sa kanila ay nakikibahagi, nakikiporsyento, o nakiki-boundary lamang mula sa mga operator nila.
Hindi na nakapagtataka kung bakit talaga namang agawan ang mga driver at konduktor sa mga pasahero. Kung ako tatanungin hindi naman talaga dapat uso ang standing sa bus o di kaya, kung mag-iistanding man, kung sino lang ang may gusto. Ang nangyayari kasi ngayon, nagkakaroon na ng agawan sa pasahero, pinipilit pang makarami sa sobrang pagpapasakay ng pasahero sa bus kahit talikuran na ang standing. 
Ang kalusugan din ng mga driver at konduktor ng bus, minsan ay napapabayaan na dahil sa kayod kalabaw na ginagawa nila para lang kumita ng malaki kahit na minsan ay sobrang kulang na ang tulog nila. Ang mga pangyayaring ganito pa ang minsang nagiging sanhi ng mga aksidente sa kalsada, sa halip na kumita, makukulong o di kaya naman ay mabawian pa sila ng buhay. Naalala ko noon, nasa Vito Cruz iyong bus na sinasakyan ko papuntang Maynila, mayroong isang matanda na nasa 55 pataas (yata) ang edad na sumakay ng bus at nanghihingi ng konting tulong. Sinabi niya na driver daw siya nang isang bus company at ginagawa niya na daw iyon (ang panghihingi ng tulong) dahil sobrang kulang daw ang kinikita nila sa kanilang pamamasada. Ayaw niya daw matulad sa isang kasmaahan nila na matapos maaksidente ay wala man lang daw natanggap na tulong, pensyon, benefit, o kahit philhealth man lang daw mula sa operator nila. Maaaring huwad, peke o raket lamang iyon ng matanda, pero hindi maaalis nag katotohanang may mga operator nga na hindi man lamang magbigay ng konting benepisyo sa mga driver at konduktor nila na nagpapakapagod sa maghapon sa kalsada para sa perang natatanggap nila. Sadyang kahabag-habag ang sinapit ng driver na iyon kaya naisip ko na baka ganoon din ang sistema ng ibang operator ng iba't ibang bus company sa mga driver at konduktor nila kaya kung ano-anong hirap sa kalsada ang hinaharap ng mga driver, konduktor, at maging ng mga pasahero sa araw-araw na pagbyahe.


Nagbakasakali ako sa internet ng batas ukol sa tamang pagpapasweldo sa mga driver at konduktor ng bus dito sa Pilipinas. Nakita ko itong HOUSE BILL No. 3370 kung saan nakasaad ang tamang pagpapasahod sa mga bus drivers at konduktor at iba pang mga batas na may kinalaman sa kanilang trabaho. Marami silang karapatan at dapat na tinatamasa bukod pa sa kanilang kita na minsan ay kakarampot lamang. 
Sumunod kong nakita sa internet itong HB 3370 or “An Act Regulating the Compensation of Public Utility Bus Drivers and Conductors By Requiring Bus Operators to Pay them Fixed Monthly Salaries and Providing Penalties of Violations thereof” mula sa Center for Trade Union and Human Rights, Inc. kung saan makikitang sinusuportahan nila ang mga karapatan ng mga bus drivers at konduktor dito sa Pilipinas.

Alam kong salat ako sa kaalaman at impormasyon at hindi ko rin alam ang buong detalye at kung paano tumatakbo ang mga kaganapan sa pagpapasweldo sa mga dirvers at konduktor dito sa Pilipinas. Ang sa akin lang, lahat tayo ay mayroong karapatan kaya dapat ang mga karapatan nating iyon ay naisasakatuparan o nakakamit natin. Gayon din sa mga bus driver at konduktor na nagpapakapagod bumyahe at kumita ng sapat mula sa mga operator nila, sana'y makamit nila ang lahat ng dapat na karapatan nila na minsan ay naipagkakait o hindi naibibigay kahit na ang mga ito ay nakasaad sa batas ng Pilipinas.

0 comments:

Post a Comment