Thursday, January 26, 2012 | By: Klent

Disconnecting People

Nakakalungkot isipin na magulang na ang sumusuyo sa anak para lamang magkaroon ng komunikasyon.

 Kahapon pagdatin ko ng bahay, oras na ng hapunan namin. Hinanap ko ang kapatid ko, nasa harapan pala ng computer, naglalaro, sa pasilyo sa ikalawang palapag ng bahay. Naghapunan kami ng ate ko (tita ko talaga siya), kaming dalawa lang, ang kapatid ko nag-cocomputer pa rin, busog pa raw siya dahil nagmeryenda ng kanin. Natapos kaming kumain hindi pa rin siya natitinag sa harapan ng computer habang ako naman pumwesto muna sandali sa sala para manood ng tv, sakto namang dating ng mga magulang ko mula sa trabaho.
Kumakain sila ng hapunan, ang kapatid ko naman hindi pa rin talaga natitinag sa harapan ng computer kahit alam niyang nandiyan na ang mga magulang namin. Kahit abala sila sa pagkain, kinakamusta pa rin nila ang kapatid ko pati na rin ang pag-aaral niya. Ito namang kapatid ko, kinakausap ng mga magulang namin, sumasagot nga pero hindi naman umaalis ang atensyon sa harap ng computer, ang iba pa niyang sagot ay hindi na tama ang punto bilang anak.
Noong mga oras na iyon, dapat papanhik na ako sa kwarto ko pero nasaksihan at narinig ko kung paano ang pag-uugali ng kapatid ko, kung paano siyang sobrang naadik at nilamon ng computer, ng social media. Inalala ko ang mga magulang ko, sa halip hindi muna ako pumanhik, nakipagkwentuhan muna ako sa kanila sandali dahil ang pagbabahagi ko ng oras sa kanila ay paraan ng pagpapakita ko na mahal ko sila.

Naiinis ako sa kapatid ko, dahil sobrang nilamon na talaga siya ng social media lalong lalo na nag computer at mga bagay na maaaring ikaadik dito. Hindi na nga kami sabay-sabay kumain, hindi niya pa binibigyan ng panahon at oras ang mga magulang ko para lamang kamustahin o masilayan man lang. At kung kinabukasan ng umaga, kulang ang sandaling iyon dahil ang lahat ay nagmamadali para pumasok. Naisip ko ng gabing iyon, alam ko pare-pareho kaming pagod, pero ang kamustahin man lang namin o hayaan man lang kaming masilayan ng mga magulang namin na ligtas at maayos, ay nagbibigay na iyon ng ligaya sa kanila at pinapawi nito ang pagod at hirap nila. Subalit ang kapatid ko, hindi niya man lang lubos maisip ang mga ganoong bagay. Nakakalungkot pero totoo. Sa tingin  ko, naging ganoon siya dahil sa sobrang babad sa computer at soial networking sites.

Miski naman ako noong una, hindi ko makita ang sinasabi nilang ang social media ay nakakaapekto sa tunay na relasyon ng tao sa bawat isa. Pero nasaksihan at narinig ko kung paano ang bunga nito sa kapatid ko, ay talaga namang hindi maganda. Sa panahon ngayon na halos lahat ng kabataan (gaya ko) ay exposed na sa mga social media dahil nga naman sa generation namin, hindi na nakapagtatakang nawawala na ang respeto natin sa mga matatanda at nawawala na rin ang tamang pakikipagkomunikasyon natin. Pero may kakayahan naman tayong mag-isip, magdesisiyon at magkusa para sa sarili natin na iwasan, o kung hindi man maiwasan ay limitahan ang pagbababad sa mga social media nang sa gayon ay muling mabigyang daan ang tunay na pakikitungo at relasyon sa kapwa. Sobrang sayang kung ang isang pamilya, relasyon, pagkakaibigan o miski ang sarili ay masisira lamang dahil sa social media. Hindi naman masama kasing gumamit ng ganoon subalit alalahanin natin na tao tayo, may isip. may puso at may damdamin. Hindi lubos na maibibigay ng social media ang pagkalinga, pagmamahal at ligaya na makakamtan lamang natin sa mga tunay na taong nagmamahal sa atin.

Minsa lamang tayo mabuhay sa mundong ito, kaya pahalagahan natin at mahalagang ipakita natin sa mga mahal natin sa buhay na sobrang mahal natin sila dahil hindi natin alam, walang nakakaalam kahit sinoman kung kailan o saan man tayo magwawakas sa mundong ito.

0 comments:

Post a Comment