Pahina nang pahina. Hindi na kasing liwanag gaya ng dati. Sino ba ang mag-aakala na aabot sa ganoon. Kaya pa kaya ang isang malaking kwarto? Tatagal pa kaya ito o maaupos din ang munting liwanag na nalalabi? Makayanan pa kaya nito pagdaan ng malakas na ihip ng hangin? Walang kasiguruhan pero nakasalalay mismo sa sarili ang tagal ng liwanag nito.
Subalit ano nang mangyayari kung pati ang munting liwanag ay maglaho na? Mahanap pa kaya ang gusot na papel sa loob ng silid? Maging kaaya-aya pa kayang tingnan at sulatan ang munting papel kahit na mayroong gusot? Subalit kahit lagyan ng pandikit, hindi na maibabalik ang dating malinis at maayos na anyo nito. May tagpi, may tahi, may tupi, may gusot, may lukot. Hindi ito gaya ng tela na kapag dinaanan ng plantsa ay magiging maayos muli. Itatapon na kaya ito o gagawan ng paraan para muling mapakinabangan?
At kung sakaling mapakinabangan man, magiging maayos pa kaya ito sa lahat ng klase ng panulat? Makakasalamuha ba ng lahat ng uri ng panulat ang papel na ito? Tiyak na may malinaw at mayroon ding malabo, at mayroon ding hindi na talaga uubra dito. Mababasa pa ba ang nilalaman o hindi na pag-uukulan ng panahon? Maging katanggap tanggap pa kaya ang ito?
Walang kasiguruhan. Walang katiyakan. Magkakaroon lamang ng katiyakan kung susubukan ang mga tanong na naglalaro sa laman.
0 comments:
Post a Comment