Malamang marami na sa atin ang abala kung paano bibili ng mga regalo sa mga minamahal sa buhay, kung paano pagkakasyahin ang salapi sa munting salo-salo o sa pagbili ng mga regalo. Ang iba naman ay abala sa pag-iisip o sa pagplano ng mga mapapamaskohan. Ang iba naman ay tiyak na magdiriwang ng masayang pagsasama-sama ng mga kapamilya, kaibigan, kamag-anak o mahal sa buhay sa loob ng maiksing panahon.
Subalit sa isang bahagi ng Pilipinas hindi natin masasabing ganap na masaya ang Disyempre o ang pagsapit ng pasko sa kanila lalo na kung ganoon ang sinapit na sitwasyon. Kamakailan lamang ay tinamaan ng malakas ng bagyong Pedro ang Mindanao. Lingid sa kaalaman ng iba gaya ko noon, na mayroon na palang tumamang bagyo sa timog na bahagi ng Pilipinas kung saan marami sa mga kababayan natin ang naapektohan. Nalaman ko na lamang sa balita na matindi ang inabot ng mga kababayan natin sa Mindanao. Nakakalungkot isipin na ganoon ang sinapit nila gayong malapit na ang kapaskohan. Hindi na nakapagtatakang mahirap, kalunos-lunos, at higit sa lahat sobrang masakit sa kalooban ang ganoong pangyayari lalo na ngayo't magtatapos na ang taong ito. Tiyak na hindi madali sa ganoong lagay ang bumangon at mag-umpisa muli lalo na kung minamahal sa buhay ang nawala sa kanila. Sobrang mahirap sa lagay ng mga kababayan natin lalo na't parang pinagsakluban ng langit at lupa ang sitwasyon nila.
Ngayong Pasko ipagpaliban muna natin ang mga bagay na maituturing nating pansarili, sa halip isipin muna natin kahit sandali ang kalagayan ng mga kababayan natin sa timog na bahagi ng Pilipinas. Hindi man tayo makapagbigay ng donasyon o kahit anong materyal na tulong, ang maipagdasal man lamang natin sila at ang pansamanatalang isipin ang ikabubuti ng buhay nila ay makatutulong na rin. Tiyak na hindi madali ang muling pagbangon sa ganoong sitwasyon subalit ang pakikiramay ng kapwa Pilipino sa mga pagkakataong gaya nito ay nagpapatunay ng pag-asa sa kabila ng hirap na pinagdaraanan. Alam naman nating ang himig ng Pasko ay pagbbigayan, at kahit ang munting pagdadasal para sa kanila ay makakatulong na, ika nga nila it's the thought that counts. Ngayong Pasko patunayan natin na sa kabila ng paghihirap sa buhay ay mayroong mga kababayang umaalala sa ikabubuti ng lagay ng kapwa kababayan. Patunayan nating buhay ang tunay na diwa ng Pasko sa isip at damdamin ng mga Pilipino.
0 comments:
Post a Comment