Nagpagawa ng first assignment ang prof namin sa Analytical Chemistry Lecture noong Wednesday (11-16-11) at dapat na ipapasa siya noong Friday. Mahaba at marami iyong pina-assignment niya. Sinulat ko lahat ng iyon sa notebook ko at isinulat ko din ang (1 whole sheet) - ibig sabihin intermediate pad. Sinimulan ko siyang gawin sa library ng school noong thursday sa scratch paper lang. Pag-uwi ko nang bahay, nag-finalize ako ng lahat ng mga sagot ko sa bond paper at inabot na ako ng 1am para matapos iyon pero hindi kinaya ng katawan ko kaya hindi ko nagawang tapusin, sa halip, sa mga breaks in between classes ko na lang tatapusin iyon. Kailangan ko na ring matulog kasi 7am pa ang klase ko kinabukasan. Pagpunta ko ng school kinabukasan (friday) nagtaka ako bakit wala pa iyong mga kaklase kong block section (ako lang irregular sa kanila). Nag-antay ako ng almost 30 mins. sa kanila pero hindi rin sila dumating kaya umalis na lang ako. Hindi rin naman nasayang ang oras ko dahil tinapos ko nga iyong assignment sa Ana.Chem (Analytical Chemistry) Lecture namin.
3pm ang start ng klase namin, kasama ko na iyong mga kaklase ko sa subject na ginawan ko ng assignment. Napansin ko na halos lahat sila sa "1 whole sheet" nila nilagay iyong mga assignment nila kahit na ilan-ilan pa lang naman ang nakikita ko. Nag-isip ako pero hindi na maganda ang nararamdaman ko nang mga oras na iyon. Kapag ako lang ang naka-bond paper na magpapasa, hindi ko na lang itutuloy.. At noong oras nang pasahan ng assignment, ako nga lang ang may gawa sa bond paper kahit hand written naman, so hindi ko na tinuloy magpasa kasi alam ko din namang rejection at shame lang din naman ang aabutin namin ng papel ko. Ayun na, major frustration na ang aura ko noon, ni hindi ako makapag-isip ng ayos dahil sobrang dinibdib ko ang hindi ko pagpasa ng assignment ko. Nadagdagan pa ng fact na alam pala nilang wala iyong teacher namin kaninang 7 am (laboratory class kasi iyon, 3 hours). Sinabi sa akin ng katabi ko sa upuan na sinabihan niya pala daw ako. Ang nasa isip ko naman, iyong lecture iyon kaya lalong nagkanda gulo-gulo na lahat. Major frustration na, epic failure pa. Matapos ang klase naming iyon, kinuwento ko sa isa sa mga malapit kong kaibigan na irregular din ang mga pangyayari, ang mga frustration, ang mga failures, regrets at kung ano-ano pa na naramdaman ko matapos ang klaseng iyon.
Noong una, pumapako sa isip ko ang pagsisisi sa mga kaklase kong iyon, block section kasi sila, irregular lang ako, sadyang bitter lang ako. O 'di kaya'y sadyang ilag ang instinct ng isip at katawan ko sa kanila dahil may hindi maganda akong narinig sa kanila as a block section mula sa isang kaibigan ko.Noong mga panahong iyon, iyon ang naiiwan sa utak ko kaya nagkandaloko-loko na ang schedule at assignements ko noong araw na iyon. Pero sa kalaunan, matapos ang isang araw, naisip ko, ako pala ang mali. Una sa lahat, hindi sila involved sa personal na nararamdaman ko. Pangalawa, sinabihan niya (katabi ko sa upuan sa lecture) na mawawala pala iyong teacher namin sa lab noong friday kung saan hindi ko siya gaanong pinakinggan sa pag-aakala kong iyong lecture iyong mawawala sa amin ng isang araw. Ang point doon, hindi ako gaanong nakinig sa sinabi niya, sa halip binale wala ko lang iyon dahil siguro sa pagiging instinctive ko sa narinig ko sa kanila at sa hirap kong magtiwala. Sa assignemnt ko naman na hindi ko na pinasa, doon talaga ako sobrang na-bitter, as in sobrang apektado ako na kahit hindi ako nalulungkot, pinapatay naman ako ng bagay na iyon sa loob ko kakaisip. Pilit ko mang alisin sa isip ko iyon, sadyang bumabalik siya kaya nagiging masakit at mahirap sa lagay ko iyon. Pero kung tutuusin, ako din ang mali at nagkulang dahil hindi ko piniwalaan ang sinulat ko sa notebook ko na (1 whole sheet) kaya namali ako nang paggawa ng assignment. Noong una ayokong tanggapin na ako iyong mali pero sa katagalan nga, narealize ko na nasa akin ang pagkakamali, hindi ako naniwala sa sarili ko at sa sinulat ko. Kulang ang pagtitiwala ko sa sarili ko at sa mga kakayahan ko kaya nagkakaganoon ang buhay ko sa klaseng iyon. Kahapon hanggang ngayon pinipilit kong hanapan ng positibong punto iyong pagkakamali ko, pero sa huli, bumabagsak sa wala dahil na rin siguro sa sarili kong pagkukulang. Nakakainis, nakakapanlumo, nakakalungkot. Sa ngayon, pampakalma na iyong, isang assignemnt pa lang naman at may susunod pa; bawi na lang sa mga quizzes at exams; galingan na lang sa susunod. Sana lahat ng iyan tumatak na sa akin sa katagalan ng panahon.
0 comments:
Post a Comment