Sunday, December 4, 2011 | By: Klent

18

Legal na taon na ako sa susunod na buwan

Ang bilis nga naman ng panahon, Disyembre na agad ngayon, parang kailan lang kakapasok lang ng taong 2011. Nakakalokong isipin na ang bilis ko din pala tumanda, nagulat na lang ako nang bigla kong maisip na "18 na pala ako next month" . 18, legal age, ika nga nila. Taon na kung saan may karapatan ka na at malaya ka nang gawin ang mga bagay-bagay na pangmatanda(?). Maaari ka nang gumawa ng mga bagay-bagay na hindi maaaring gawin ng isang menor de edad. Hindi ko na iisa-isahin kasi may mga bagay na maaari lamang gawin para sa itinakdang edad pero may mga tao namang sumusuway dito.

Subalit para sa akin, ang 18 ay nangangahulugang simula ng mas malaking responsibilidad, mas malaking pang-unawa at dapat nang maging MAS MATURE sa isip at sa kilos. Pero masyadong subjective kasi ang salitang "mature" dahil mayroong kanya-kanyang pakahulugan ang mga tao sa salitang ito. Ibig ko bang sabihin, maging magulang na o huwaran na sa pag-iisip at pananalita at pagkilos pagtungtong ng edad na ito. Aasahan na rin ako sa mas malalaking responsibilidad bilang isang anak, kapatid, mag-aaral at mamamayang Pilipino. Bilang isang anak, dapat maging mas responsable na ako sa mga kilos na gagawin ko kung saan apektado ang pamilya ko o ang kapakanan at kalagayan nila. Sumunod doon, bilang panganay, inaasahan na akong maging mas responsable sa kapatid ko at dapat kong lawakan ang pasensya at pang-unawa ko sa kanya. Bilang mag-aaral, dapat kong gampanan nang maigi ang pag-aaral ko nang may katiyakan o kasiguraduhan. Dapat ko nang i-set ang mind ko sa mga long term goals and achievements at kailangan ko nang mas matinding endurance, patience at perseverance sa pag-aaral. Higit pa doon, dapat lubos ko nang nauunawan ang dahilan kung bakit ako nag-aaral. At ang huli, dapat na akong maging isang mas responsableng mamamayang Pilipino. Kung gusto kong magkaroon nang pagbabago sa bansa natin, dapat tayong magsimula sa ating sarili at maging responsable tayo sa mga kilos natin.

Bilang isang Kristiyano naman, mas pipiliin ko nang mapalapit sa Diyos lalo na ngayong malapit na ako sa taon nang pagiging legal kung saan mas maraming desisyon, impormasyon at kung ano-ano pa ang mga magaganap sa buhay ko. Dapat na akongmaging isang "mature Christian" sa isip, sa salita at sa gawa. Kaakibat din ng pagtanda ko, mas nadadagdagan ang responsibilidad ko sa Diyos. Kailangan ko nang ganap na matigil ang mga kasalanan kong paulit-ulit ko pa ring nagagawa kahit matagal ko nang naipangakong ititigil ko na iyon. Ayoko nang maging kahihiyan sa mata ng Diyos lalo na't matanda na ako at Kristiyano pa naman ako. Dapat ganap ko nang matupad ang mga responsibilidad na binigay ng Diyos sa akin at dapat matupad ko na rin ang mga pangakong matagal ko nang naipangako sa Kanya. Alam kong hindi madali at hindi mabilis ang pagiging mature at lalong hindi magaganap ang lahat ng ito sa isang tulog lamang. Subalit ano mang mangyari, sa haba man ng byahe, kasama ko ang Diyos sa mga desisyong gagawin ko sa buhay ko. :)

0 comments:

Post a Comment