Naaalala ko pa noon kung paano
niya hinawakan ang kamay ko para suportahan ako....
Bago pa lang ako
sa kompanya, marami na kaming ginagawang team building doon. Subalit mayroong
isang kakaibang team building ang nagpabago ng kinasanayan kong ganoon.
Nagkaroon nang team building at na-assigned ako sa entertainment group dahil
marunong akong maggitara. Tahimik lang ako at mahiyain, masipag din naman at
marunong makisama pero mahiyain lang talaga. Tahimik lang akong nakatingin sa
labas habang nakasakay sa loob ng coaster namin.
"Ok guys malapit na tayo sa
Mt... kung saan gaganapin ang team building natin. Once again, I'm Lhean,
you're team leader, have a nice day!"
Pagkatapos ko
siyang mapakinggan, balik na ulit ako sa pagtanaw sa labas. Wala lang siya sa
akin noon, hindi ko alintana kung sino siya pati ang pagkatao niya.
Halos 3 at
kalahating araw din kami doon sa camp na iyon. Marami kaming pinagkaabalahan at
mga activities na talagang nagpabuti ng pagsasamahan ng team namin. Sa
katagalan naging malapit din ako sa mga teammates ko subalit ang hindi pa rin
ako gaanong nakikipag-usap ay sa team leader namin. Hindi ko alam kung bakit,
hindi ko alam.. Siguro, wala lang, siguro, hindi lang kami close talaga, siguro
wala lang talaga kaming pag-uusapan.
Isa sa mga
pinuntahan namin ay ang falls sa bundok na iyon. Nagkayayaan sila na lumangoy
doon. Nagkusa na akong magpaiwan bilang bantay ng gamit namin subalit hindi
iyon ang tunay kong motibo. Natrauma na kasi ako sa ganyan sa probinsya namin
kaya ayoko nang umulit. Patuloy sila sa pag-eenjoy sa paglangoy habang ako
naman tumutugtog ng gitara para hindi mainip.
"Excuse me, ano nga ulit
name mo?"
"Ay kayo po pala ma'am.
Marco po, marco po pangalan ko."
"Nako 'wag mo na akong
tawaging ma'am, Lhean na lang. Wag ka na ring mag po, magkakaopisina rin naman
tayo eh.. Tanong ko lang, bakit ayaw mong sumama doon sa falls? Tara ligo
tayo."
"Hindi na po.. Ay este hindi
na, ok lang ako dito. Mahirap na, baka mawalan pa tayo ng gamit."
"Wala namang mawawala diyan,
tayo-tayo lang naman ang nandito eh.."
"Hindi na, ok lang ako dito,
ienjoy niyo na iyong tubig, hehe.."
"Eh bakit nga ayaw mong
sumama doon?"
"Wala lang, hehe.."
"Weh? Imposibleng wala
lang.. Kung ayaw mong sumama doon, sasamahan na lang kita."
".....ienjoy niyo na lang
iyong tubig doon oh, sayang minsan lang tayo makarating dito, hehe.."
"Iyon na nga eh, minsan na
lang tayong magpunta dito, ayaw mo pang subukan. Pero bakit nga ba kasi ayaw
mo?"
"Eh kasi.."
"Eh kasi ano?"
"Ganito kasi iyon.."
Kinuwento ko sa
kanya ang mga pangyayari at natawa lang siya.
"Haha! Iyon na 'un? Tara na
nga, akong bahala sa iyo."
Nang mga oras na
iyon, hinawakan niya ang braso at kamay ko ng mahigpit. Hindi ko alam pero
nakaramdam ako ng kakaibang kamay na hindi ko pa naramdaman noon. Tumigil lang
ako sa pampang ng tubig habang siya ay nakalusong na.
"Ang dami mong arte ah,
halika na kasi.."
Tumayo lang ako
at bahagyang umiling subalit hinila niya ang kamay ko at inalalayan ako papunta
sa gitna ng bumabagsak na tubig sa falls. Hindi kami alintana ng mga teammates
namin dahil sila ay abalang kumakain doon sa pwesto namin.
"Kita mo? Hehe.. Wala ka
namang dapat ikatakot kasi mababaw lang 'to no tsaka kasama mo naman ako eh..
Napalingon ako
sa kanya pero nagpanggap na hindi ko narinig ang mga sinabi niya..
"Ang ibig kong sabihin,
kasama mo naman ako kaya hindi ka malulunod."
Marami na kaming
naging activites sa camp at halos kasundo ko na ang mga teammates ko. Last day
namin bago kami umalis kinabukasan. Dahil walang gaas, magsisibak kami ng kahoy
pangluto ng kakainin namin ngayong tanghalian, hanggang bukas. Dahil minsan na
akong lumaki sa probinsya, marunong akong gawin iyon kaya nagpresenta na akong
isang buhos na magsisibak ng kahoy para sa lahat ng lulutuin. Ang mga teammates
namin ay abala sa pagpreprepare ng mga inihaw na ulam namin. Si Lhean naman ay
nakikialam sa sinasaing ko na niluluto sa paggagatong. Habang ako naman, walang
humpay na nagsisibak ng kahoy at inalis ko na ang damit ko dahil mainit.
Maya-maya
nakarinig ako ng sigaw, at dahil ako ang malapit sa pinaglulutuan, ako na ang
rumesponde. Si Lhean pala, bahagyang napaso ang daliri at natatakot sa malakas
na apoy sa kugon.
"Hahahaha! Iyan lang pala
ang ikinasisigaw mo? Haha!"
"Ikaw ang yabang mo.
Palibhasa marunong ka eh kaya ka ganyan."
"O easy lang, chill!"
"Chill ka diyan, eh kung
tinuturuan mo kaya ako para marunong din ako."
"Sige na nga, hehe.."
Inalalayan ko
ang dalawang braso niya habang nasa likod niya ako upang maturuan siya ng mas
maayos. Binigyan ko na rin ng paunang lunas ang mga daliri niya.
"Ikaw kasi sa susunod,
mag-iingat ka. Tingnan mo inabot mo ngayon, binebendahan ko ang mga kamay
mo."
Ginagawa lang
biro ni Lhean ang mga sinasabi ko at sa kasamaang palad inabutan pa kami ng mga
teammates namin sa ganoong lagay at inulan pa kami ng kantyaw.
Nagpalipas na
kami ng aming huling gabi sa beach doon sa camp. Iyon ang pinakamasayang gabi
para sa kanila at sa akin sa loob ng tatlong araw naming pananatili sa camp.
Nagbonfire kami sa puting buhangin malapit sa dagat doon; nagsaya, nagsayawan,
nagtugtugan, at nagkantahan sa saliw ng aking gitara. Nang mapagod na ang
lahat, nagkanya-kanya na kaming balik sa tent namin upang magpahinga na.
Subalit ayaw pa akong dalawin ng antok kaya naman habang tulog na ang lahat,
nagtungo ako sa dalampasigan bitbit ang aking gitara at jacket at doon tumugtog
para dalawin ng antok.
"Bakit nandito ka pa?"
"O ikaw pala 'yan Lhean.
Ayaw pa kasi akong dalawin ng antok eh.."
"Miski ako eh, hindi pa ako
inaantok. O bakit mo tinigil ang paggigitara mo? Tugtog ka ulit, tugtugan mo
naman ako.."
"Sige-sige.. just an
ordinary song, for a special girl like you. From a simple guy that's so in love
with you.."
Habang kinakanta
ko iyon ay hindi ko maiwasang mapatingin sa kanya habang siya'y malayo ang
tingin at nakikinig ng maigi sa pagtugtog ko. Subalit nahuli niya rin ang
pasulyap-sulyap ko sa kanya kaya umiwas na ako ng tingin.
"Salamat nga pala sa kanina
ah.."
Tumigil muna ako
sa paggigitara at humiga na lang sa buhangin para bigyang pansin ang mga sinabi
nia.
"Ah.. Un ba, wala un.
Responsibilidad naman kasi ng lalake na rumesponde sa mga pangangailangan ng
babae eh.."
Sandaling
nagkaroon ng katahimikan sa pagitan naming dalawa. Humiga na rin siya sa
buhangin at pareho na kaming nakatingin sa kalawakang puno ng bituin.
"Ganda nila no?"
"Oo, parang ikaw."
"Ewan ko sa iyo, tigilan mo
nga ako."
"Hehe, totoo naman eh.. Siya
nga pala, bakit ang buti mo sa akin?"
"Kakaiba ka kasi sa mga
nakilala ko sa mga team building na nasalihan ko na.. Siguro dahil masipag ka,
simple lamang at maalalahanin na rin.."
"Ganoon? Hehe.."
Sandali muling
nagkaroon ng katahimikan sa pagitan naming dalawa habang tinatanaw ang malawak
na kalangitang puno ng bituin.
"Uy nakita mo iyong shooting
star?!"
"Saan?"
Umupo ako ng
ayos at aakmang tatanungin paglingon kaso nakita ko siyang nakaupo at
nakapikit, humuhiling siguro. Inantay ko siyang matapos para matanong ko ng
maayos.
"Naniwala ka naman sa
ganyan?"
"Oo naman. Bakit masama
ba?"
"Hindi naman. Maaari ko bang
malaman kung ano ang hiniling mo?"
"Patawa ka naman oh, syempre
bawal, haha!"
"Sige na, tayong dalawa lang
naman eh, hehe.."
"Wag ka na makulit balang
araw sasabihin ko din."
Sasagot pa sana
ako kaso napansin kong nilalamig na siya at baka sipunin na rin kaya pinahiram
ko na ang jacket ko at niyaya na siyang matulog. Hinatid ko na siya hanggang sa
tent niya at pinahiram ko na rin ang jacket ko.
"Salamat ha.."
"Walang anuman, pahinga ka
na."
"Good night!"
Natigilan ako sa
sinabi niyang iyon at bahagyang natulala sa kanya.
"Good night din,
hehe.."
Sa loob ng anim
na taon, naging mabuti ang pagsasamahan namin ni Lhean. At ngayon, hawak ko ang
kamay niya, hindi para suportahan kundi para kabitan ng singsing sa harap ng
altar. Doon ko lang din nalaman na higit pa sa inaasahan niya ang hiniling niya
sa bituin noong araw na mag-team building kami. Hinangad niya lang pala na
maging mabuti ang pagsasamahan namin subalit higit na ikinaligaya niya ang
pug-abot namin sa puntong ito.
0 comments:
Post a Comment