Monday, August 6, 2012 | By: Klent

Napapanahon

Baha. Walang kamatayang baha. Kapag sumobra ang baha, suspension na agad ng klase ang kasunod. Normal na sa ilang parte ng Pilipinas ang binabaha kapag may bagyo. Iyon ang kaso noon. Subalit ngayon konting ulan lamang hindi lang ilang parte ng Pilipinas ang binabaha, pati na rin ang mga siyudad. Naisip ko na noon kahit tuloy-tuloy ang ulan basta't walang bagyo, hindi madaling magbabaha sa mga bayan at mga siyudad na hindi magbubunga sa suspension ng klase. Subalit ngayon magtuloy-tuloy lamang ang ulan ay magreresulta na agad sa biglaang pagbabaha at magkakaroon na agad ng suspension ng klase sa iba't ibang parte ng Pilipinas kahit wala namang bagyo.
Kung tutuusin isa sa sanhi ng pagbabaha ay ang tao din mismo. Old school mang tingnan ang mga signage na "Munting Basura, Ibulsa Muna", "Bawal Magkalat", "No Littering", "Dispose Garbage Properly", ito na ang pinakasimpleng mga panuto na dapat nating sundin sa mga munti nating basura. Hindi naman mahirap intindihin ang iba diyan dahil kaya itong maunawaan ng mga kapwa natin Pilipino. Mayaman man o mahirap ay kayang unawain at sundin ang mga simpleng panuto na iyan sa pagtatapon ng basura. Subalit sa panahon ngayon ang tao kahit simpleng panuto na lamang ay hirap pang sundin. Hirap disiplinahin ang sarili para sa mga munting bagay na kung tutuusin ay kaya namang gawin. Kung ang bawat tao ay magkakalat ng kanya-kanyang basura sa kalsada, isipin na lamang na ganoon din karami ang mga basurang tatambak sa mga kanal, drainages at sewerages natin. Ang resulta ay malawakang pagbabaha kapag mayroong malakas at tuloy-tuloy na ulan kahit wala namang bagyo. Sa atin din babalik ang perwisyo at hirap na bunga ng pagiging iresponsable sa mga basura natin.
Nitong sabado lamang habang pauwi na ako galing school sa kasagsagan ng malakas na ulan sa may intersection sa Coastal Mall, habang naka-stop ang mga sasakyan na patungong South ay nakita ko ang isang matandang tindero sa kalsada  na inilublob niya ang kamay niya sa nagbabahang gutter doon. Minatyagan ko siya ng maigi at nakita kong may mga plastic cups, food wrappers, styro cups, at plastics siyang nakuha. Maya-maya ay nasaksihan kong unti-unting dumaloy ang tubig doon sa drainage na nabarahan ng baha gawa ng mga basurang humarang doon. Nasaksihan ko ang direktang bunga ng kapabayaan natin sa pagtatapon ng mga basura. Kadiri mang tingnan ang ginawa niya subalit nakita ko ang pagmamalasakit at pagkukusa niya para maiwasan pa ang lalong pagbabaha sa lugar na iyon. Sayang nga lang at nahiya akong kuhaan siya ng litrato o video sa ginagawa niyang iyon pero maituturing na kabayanihan at pagkukusa ang ginawa niyang iyon.
Hindi naman natin kailangang maging sobrang edukado para maunawaan ang pagsunod sa mga simpleng alituntunin sa pagtatapon ng basura. Ang pagkukusa at pagdidisiplina sa sarili ay walang pinipiling edad, kasarian, at estado sa buhay; walang excempted sa pagdidisiplina sa sarili. Dahil sa huli, kung anong ginagawa natin sa paligid natin ay siyang babalik din sa atin.

0 comments:

Post a Comment