Mahabang panahon din ng paglalakbay ang iginugol ko sa kahabaan ng panahon na nabubuhay ako. Nakakatuwang isipin na natapos na rin namin ang mahaba at matiyagang proseso ng pag-aaral sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan. Subalit higit na nagbigay kulay sa buhay estudyante ay ang mga karanasan at mga taong nakapaloob sa proseso nito; mga kapwa mag-aaral, mga magulang, mga guro at higit sa lahat ang mga kaibigan mo. Hindi man lubusan pero halos lahat sila ay naging parte ng buhay natin aminin man natin o hindi, dahil lahat tayo ay dadaanan ng sasakyan ng kasaysayan at isasabay nito sa kanyang byahe at sa isang banda ay ibababa tayo sa dapat nating karoonan.
Kung muling magbabalik-tanaw sa mga litrato ng mga malapit mong kaibigan at ikumpara ito sa mga litrato nila sa Facebook at Twitter ngayon, hindi mo aakalaing sila iyon noong mga panahon na hindi niyo batid ang paligid at hindi rin inaasahan ang magiging pagbabago na kinahahantungan sa kasalukuyan. Sadyang magaling maghubog ng pagkatao ang panahon pati na rin ang kapaligiran na kinaroroonan ng bawat isa sa atin. Sino ba naman sa atin ang makapagsasabi na hahantong tayo sa kung ano man ang estado natin ngayon? Hindi rin mawawala ang mga maling pagpapasya na ginawa natin pero ok lang 'yan, parte pa rin iyan ng buhay. Ano ba naman ang pagtahak mo ng buhay kung hindi ka madadapa kahit minsan? Iba-iba man ang pinagdaanang proseso ng bawat isa sa atin, ano't ano pa man ay makakarating pa rin sa dapat patunguhan, subalit hindi dapat ibaliwala ang mga kilos na ginawa, ginagawa, at gagawin natin na siyang nagtulak sa atin sa ganitong sitwasyon.
Kamusta na ba kayo? Ano na bang balita? Siguro ang iba sa inyo ay nasa ibang bansa na, ang iba siguro ay mayroong trabaho na, maaring ang iba naman sa inyo nag-aaral pa rin upang mas lalo pang lumalim ang nalalaman, at maaring ang iba naman ay mayroon nang sariling pamilyang ibinubuhay. Hindi ko na maisip kung ano na ba ang nagyari sa iba, basta ang mahalaga sana ay nasa mabuting kalagayan sila. Ako ngayon, ano ba ang ginagawa ko? Heto at nakatunganga sa harap ng pc at halos maghapon nang nakatutok sa Facebook at Twitter.
Teka sandali, may nagtext, kaibigan ko. "pre congrats sa atin :D"
Sinilip ko ang website nila, aba nakita ko ang pangalan ko, mabuti naman at salamat sa Diyos.

0 comments:
Post a Comment